> Ring Bearer

Limang taon ako ng aking ma-realize na hindi ako cute. Sa murang edad, naintindihan ko na kung bakit hindi ako puedeng maging ring bearer, anghel sa easter sunday, o maging konsorte sa anumang king & queen search. hindi na rin ako nagtaka kung bakit wala akong matandaan na pumisil sa pisngi ko o bumuhat sa akin upang isama sa kung saan man na pasyalan. wala kasi akong dimples, payat, maitim at masakit mang ulit-ulitin — hindi ako cute.

matindi ang inggit ko sa aking mga kapatid. sa murang edad alam ko na definition ng inggit. ito yung after-effect ng maitsapwera at hindi makasama sa anumang kasiyahan. sanay na rin ko sa feeling ng manikip ang dibdib sa atake ng sobrang inggit. ang lulusog kasi nila, magaganda at gwapo,sobrang bibo at super CUTE pa. sila ang kadalasang hari at reyna sa mga santacruzan o star sa anumang play, sila rin ang bida sa lakan ng barangay, mutya ng agham at amateur singing contest, at ang pinakamaraming kalaro at kaibigan. samantalang ako, nasa isang tabi lang kunwari tahimik na nagmamasid at nanonood sa kanila pero pinapatay ng matinding inggit.

paborito raw ako ni nanay. sa murang edad alam ko kung bakit. siyempre kasi lagi ako sa tabi n’ya. marahil kasi nanay ko lang nagtitiyaga makinig sa kwento ko, at samahan ako sa panahong hindi ako okay. hindi ko alam kung nauunawaan nya ‘yung sitwasyon basta masaya ako kapag napapasaya ko siya sa mga kwento na wala lang.  gusto ko lang naman palipasin ang pananalanta ng inggit, at kalimutan kahit sandali lang na hindi ako cute, hindi ako gwapo, hindi ako star material.

hindi talaga ako masaya. sa murang edad mulat na ako sa katotohanan na dapat tanggapin kung ano ang binigay sa ‘yo. kaya nga bihira kong gumamit ng eskinol o likas papaya soap o kahit simpleng jonhsons baby lotion kasi alam ko wa-epek rin naman, butas pa ang bulsa. masaya ako na magkaroon ng pimples kasi at least napapansin ng ibang tao. marami rin namang hindi cute na tao pero bakit masaya sila? siguro pakiramdam nila cute sila, o may pumisil sa kanilang pisngi nung bata pa sila, o naging lakan at mutya rin sila kahit money contest lang nga.

mababaw lang siguro akong tao at masyadong nilunod ng ala-tsunaming luha ng inggit. madalas naisip ko na ang sarap siguro ng pakiramdam ng panggigilan, pisil-pisilin at himas-himasin. siguro sikat na ako ngaun or dami kong naging syota kung minsan may nagkainteres na kunin akong konsorte sa santacruzan. pero hindi nga ako cute. saka bawal daw ang pangit sa wedding entourage.

2 Responses to “> Ring Bearer”

  1. Kenster Says:

    try belo or calayan. they are the experts regarding that matter, problem, dilemma, or whatever you call that stuff.

  2. Joseph Says:

    masubukan nga. basta pag may nakita kang kakaiba sa kin, alam mo na kung bakit.

Leave a Reply